-- Advertisements --
image 127

Hinamon ng isang transport group ang gobyerno na kanselahin ang prangkisa ng mga jeepney driver at operator na nakiisa sa unang araw ng isang linggong transport strike.

Ginawa ni Manibela Chairman Mar Valbuena ang pahayag matapos sabihin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III na plano nilang magsampa ng mga kasong administratibo laban sa mga sumama sa protesta at umabandona sa kanilang mga ruta.

Ani Valbuena, mas marami umanong taong-bayan ang walang masasakyan kung kakasuhan ang mga jeepney drivers dahil mababawasan ang mga papasada.

Kinuwestiyon din niya ang pahayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, na inilarawan ang kanilang kilos protesta bilang communist-inspired.

Giit ni Valbuena na hindi pa nakipag-ugnayan sa kanila ang mga kinauukulang ahensya para sa isang dayalogo ukol sa kanilang hinaing.

Ngunit sa ngayon, determinado aniya sila na ipagpatuloy ang trasnsport strike kasunod ng tagumpay nito sa unang araw ng naturang tigil-pasada.