-- Advertisements --

Hinimok ni Pasang Masda president, Roberto Martin ang Department of Energy (DOE) na siyasatin ang hindi makatwirang adjustment sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Martin, mistulang hindi na makatarungan napakataas na ini-angat ng presyo ng mga produktong petrolyo mula nang nagsimula ang 2025 habang kakarampot lamang ang inabot ng rollback nito.

Sa tatlong magkakasunod na lingo na nagkaroon ng taas-presyo, umabot na sa P5.00 ang ini-angat sa kada litrong presyo ng diesel, P3.45 ang kada litrong itinaas sa presyo ng gasolina, habang P4.30 ang itinaas sa kada litrong presyo ng kerosene.

Sa huling adjustment, nagkaroon ng rollback ngunit umabot lamang sa P0.80 ang ibinaba sa kada-litrong presyo ng gasolina, P0.20 ang ibinaba sa kada litrong presyo ng diesel, a at P0.50 sa kada litro ng kerosene.

Ayon kay Martin, kailangan nang imbestigahan ito ng DOE at tukuyin ang dahilan ng ‘uneven’ na pagtaas at pagtapyas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Una nang itinutulak ng naturang grupo ang dalawang pisong minimum na pagtaas sa pamasahe sa jeepney dahil sa serye ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Ayon sa grupo, bumaba ng P130 ang arawang kita ng mga jeepney driver dahil sa serye ng taas-presyo kaya’t kailangan na ng dagdag-pasahe.