-- Advertisements --

Magsasagawa ng kilos protesta ang transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) bukas, Marso 15 dahil sa nakaambang taas presyo na naman ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa grupo, magpoprotesta sila sa Espana, Maynila at iba’t ibang terminal at ilang gasolinahan para sa protestang bayan laban sa panibagong big-time oil price hike.

Ngunit nilinaw ng mga organizer na hindi na kailangan na magdeklara ng transport strike dahil sapat na aniyang dahilan para sa mga drivers at operators na magtigil-pasada bunsod ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa isang statement umapela ang Piston para sa pagkontrol sa presyo ng produktong petrolyo at mga bilihin, pagtanggal ng oil deregulation law at excise tax sa langis gayundin ang pagtaas sa minimum wage.

Base sa year to date adjustments nasa P17.50 na ang kada litro na itinaaas ng diesel, P13.25 per liter para sa gasolina at P11.40 ang kada litro ng kerosene.