-- Advertisements --

ROXAS CITY – Diretsahang sinabi ni Pinagkaisang Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) Capiz President Mr. Jobert Carandang na hindi sila sasama sa grupong manibela na nanindigan na itutuloy parin ang tigil-pasada sa Marso 6 hanggang 12, sa susunod na linggo.

Ito’y matapos na pinalawig pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng tradisyunal na jeepney hanggang Disyembre 31,2023.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Carandang, sinabi nito na mas mainam kung babaguhin ng ahensiya ang patakaran ng modernization project, sa halip na palawigin ito.

Pupuwede aniyang i-upgrade o i-rehabilitate ang mga tradisyunal na jeepneys na pasok sa standard ng programa.

Sinabi din ni Carandang na isa itong pahirap sa mga maliliit na operators, at tanging mga mayayaman lamang ang makakabenepisyo sa proyekto ng gobyerno.

Panawagan nito na tuluyan ng wakasan ang pagbibigay ng taning sa mga jeepney operators, sa halip, himay-himayin ng pamahalaan ang programa at ipaintindi sa transport group bago ipatupad.