Nagbanta ang ilang sektor ng transportation na itutuloy nila ang paghahain ng petisyon sa korte para ipatigil ang operasyon ng Land Transportation Management System o LTMS.
Partikular na ang German-based information technology provider ng Land Transportation Office na Dermalog.
Ayon kay Ariel Lim, pangulo at convenor ng National Public Transport Coalition, naniniwala sila na ang korte lamang ang makakapagpatigil sa operasyon ng nasabing online portal ng LTO na aniyay nagiging ugat ng matinding korapsyon.
Hiniling din ni Lim sa senado na magsagawa ng imbestigasyon lalo na’t kaduda-duda aniyang hindi napaparusahan at napagmumulta ang Dermalog sa kabila ng maraming beses na itong sumasablay sa pagbibigay ng serbisyo at sa halip ay makailang beses pang na-extend ang kontrata nito sa LTO.
Kinuwestiyon din ni Lim ang paggawad ng kontrata sa Dermalog gayong wala naman aniyang nangyaring bidding at wala ring nai-publish sa mga pahayagan hinggil sa nasabing proseso sa paggawad ng kontrata sa mga tanggapan ng gobyerno.
Aniya, nagbayad ang LTO at Department of Transportation ng kabuuang P3.19- Billion pesos sa Dermalog sa kabila ng hindi naman kumpleto ang serbisyo nito.
Ipinagtataka rin ng mga tsuper at operators ng mga pampublikong sasakyan kung bakit sa isang kilalang e-wallet idinadaan ang 75 pesos na service fee sa paggamit ng online portal para sa mga nagrerenew ng Driver’s License at nagparehistro ng sasakyan sa halip na sa Government Bank.
Nababahala rin ang transport sector na magamit ang nasabing online portal sa pagpaparehistro sa mga carnapped na sasakyan at mga sasakyan na smuggled o ipinuslit papasok ng bansa.