BOMBO DAGUPAN – “Kung anuman ang ibababa ng rollback ay ‘di hamak na mas malaki ang itinaas nito simula buwan ng Hulyo.” Ito ang naging sintimyento ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) hinggil sa nakaambang tapyas sa presyo ng produktong petrolyo sa darating na Martes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Mody Floranda, National President ng naturang organisasyon, na ang ginagawang paglalaro ng mga kumpanya ng langis at patuloy na kawalan ng kamay ng pamahalaan sa pagtugon sa suliraning ito ay pawang pagbuhos ng tubig sa apoy ng nagngangalit na sektor ng transportasyon.
Aniya na nakakapangamba ang ginagawang paglalaro ng mga oil companies sa taas-babang presyo ng mga produktong petrolyo dahil bagamat may kakarampot na pagbaba rin noong nakaraang linggo, babawiin rin naman nila ito ngayon sa nakaambang pagtaas ng presyo ng diesel kasabay ng pagbaba ng presyo ng gasolina at kerosene.
Saad pa nito na napakalaking epekto ng halos P19/kada litro ng diesel at halos P35/kada litro sa gasolina at kerosene na itinaas sa mga nakalipas na magkakasunod na linggo kung ihahambing sa P500 kada araw na nawawalang kita ng mga drayber, lalo na aniya kung kumukunsumo ng napakalaking volume ng gasolina sa isang araw.
Kaugnay nito ay nakikita naman ni Floranda na ang nangyaring pagapruba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kamakailan sa provisional authority para sa fare increase ng P1 at ang susunod na magaganap na pagdinig hinggil dito kung saan inaasahang may madaragdag muling P0.50 o P1 ay wala ng silbi sa mga drayber at operators dahil sa mga serye ng magkakasunod na oil price hike.
Kung titignan kasi aniya ay buwan pa ng Hunyo nang isinumite ng transport groups ang naturang petisyo, habang inabot naman ng tatlong buwan bago nagkaroon ng pagdinig dito, at hanggang ngayon ay wala pa silang malinaw na desisyon.