-- Advertisements --

CEBU – Hindi kumbinsido ang ilang transport groups na dahil sa Saudi Aramco attack ay nakaambang ang big time oil price hike na ipapatupad bukas, Setyembre 24.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Greg Perez, head ng PISTON-Cebu, sinabi nitong bago pa lang ang nangyaring pagpamomba sa dalawang oil facilities ng Saudi Arabia kaya hindi ito magiging rason para sa madaliang pagtaas ng presyo ng langis.

Naniniwala si Perez na may stock pa ng langis ang Pilipinas na inangkat ng mga oil companies sa bansa noong mga nakaraang buwan at diumano’y hindi ito basta na lang mauubos kaya hindi kapani-paniwala ang malakihang pagtaas ng presyo ng lana.

Kaugnay nito, nanawagan si Perez sa mga mambabatas na buwagin ang Oil Deregulation Act dahil ito aniya ang nagbibigay kapangyarihan sa mga malalaking oil companies na kontrolin ang takbo ng presyohan ng langis.

Samantala, siniguro ni Senator Richard “Dick” Gordon na tututukan din ng Senado ang biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa at sinabing hindi magdadalawang-isip ang mga mambabatas na gamitin ang kanilang “investigative power” para sa nasabing usapin.

Giit ng senador, dapat dahan-dahan ang pagpapataas ng presyo ng langis at hindi basta na lang abusuhin dahil batid nitong magsasakripisyo ang sambayanang Pilipino