Naglatag na rin ng mga plano ang mga transport groups bilang paghahanda para sa “new normal” sa sektor ng transportasyon sa oras na ilagay na rin sa general community quarantine (GCQ) ang National Capital Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Efren De Luna, national president ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), sinabi nito na gumawa na raw sila ng mga panuntunan para sa mga jeepney na tatalima naman sa health guidelines ng gobyerno.
Paglalahad ni De Luna, ilan sa mga bagong sistemang kanilang ipapatupad ay ang pag-upa ng pribadong lupa para pansamantalang gawing terminal ng kanilang mga miyembro.
Bago naman aniya pasakayin ng jeep, papipilahin muna ang mga pasahero at doon na rin pagbabayarin.
Sa ganitong paraan aniya maiiwasan ang pagpapaabot ng bayad sa mga kapwa pasahero, at masunod din ang physical distancing.
Maliban dito, maglalagay din aniya sila ng mga kahon at acetate wall sa kanilang mga jeep para hindi magdikit-dikit ang mga mananakay.
Hindi naman daw sila magtataas ng pasahe dahil nauunawaan nila ang hirap ng ibang mga Pilipino at sa halip ay umapela na lamang sila ng ayuda mula sa gobyerno.
Batay sa naging direktiba ng Department of Transportation, sa mga lugar na nasa ilalim na ng GCQ, ire-require ang mga driver, kundoktor, at mga pasahero na magsuot ng face mask upang payagang makasakay sa mga public utility vehicles (PUV), dahil kung hindi ay hindi raw pasasakayin ang mga ito.
Inenganyo din ng kagawaran ang paggamit ng automatic fare collection system para limitahan ang contact sa pagitan ng driver, kundoktor at mga pasahero.
Dapat din aniyang maglaan ng ng foot baths at iba pang mga disinfection practices ang mga PUVs na nag-ooperate sa GCQ areas.