Naghahanda na ang grupo ng transportasyon na sumusuporta sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) para sa ikakasang tigil-pasada sa gitna ng pagkadismaya ng mga ito sa inihain ng mga Senador na resolution na nananawagan sa pansamantalang suspensiyon ng programa.
Ayon sa convenor ng Angat Kooperatiba at Korporasyon ng Alyansang Pilipino Para sa Modernisasyon na si Ed Comia, galit ang sektor sa ginawa ng Senado dahil tumalima naman umano sila sa modernisasyon subalit tila binalewala aniya ang kanilang sakripisyo para sa programa.
Matatandaan, una na ngang sinabi ng grupong Magnificent 7 na magkakasa sila ng strike sakaling ituloy ng Senado ang paghahain ng naturang resolution.
Tila nagbago naman ang ihip ng hangin dahil ang Manibela naman ngayon, na sumusuporta sa suspensiyon ng programa, ang nagsabing mag-aalok ng libreng sakay para sa mga mananakay na maapektuhan sakaling ituloy ng mga grupong pro-PUVMP ang kanilang planong tigil-pasada.
Sa datos noong Hulyo ng taong kasalukuyan, nasa mahigit 80% na ang jeepney units na nag-consolidate sa PUVMP.