LEGAZPI CITY – Nilinaw ngayon ng Condor PISTON Bicol na hindi na makikisabay sa isasagawang nationwide strike ang transport groups sa Setyembre 30.
Imbes na tigil-pasada, magkakaroon na lamang ng caravan ang mga lalahok na jeepney drivers at operators patungo sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Bicol bilang bahagi ng pakikiisa sa aktibidad.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CONDOR PISTON Bicol Secretary General Ramon Rescovilla, hindi mawawala ang pagkilos ng mga Bicolano kontra sa anunsyo na hanggang Hunyo 30, 2020 na lamang ang mga prangkisa ng lumang uri ng jeep.
Kakabit pa nito ang apela sa mahal na presyo ng mga produktong petrolyo.
Pinabulaanan naman ni Rescovilla ang mga espekulasyon na dahil sa pangamba sa pagtanggal ng prangkisa kagaya ng inanunsyo ng LTFRB kaya inatras ang transport strike.
Giit ni Rescovilla na karapatan ng bawat isa ang maghayag ng opinyon at kalampagin ang pamahalaan sa malalaking isyu sa lipunan.