-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng pagtutol ang ilang transport leaders sa Bicol region sa ipinalabas na memorandum na nag-aatas sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na babaan ng nasa P3 ang minimum fare para sa mga pampublikong transportasyon.

Ayon kay Sorsogon Integrated Transport Federation (SORINTRAFED) President Ramon Dealca sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi makatarungan ang naturang pasya lalo pa at patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Hindi aniya dapat na ipagmakali ng pamahalaan ang kakarampot na oil price rollback na sinusundan naman ng bigtime oil price hike.

Dagdag pa nito na malaking pasanin sa mga drivers ang maidudulot ng pagbabalik sa P9 ng minimum na pamasahe dahil halos wala nang kita ang mga ito.

Ayon kay Dealca, sakaling maibaba ang pamasahe ay mahihirapan na naman ang mga transport group na humiling ng fare increase oras na lumobo na naman ang presyo ng petrolyo.

Aniya, imbes na pagdiskitahan ang pamasahe ay dapat na tulungan na lamang ng pamahalaan ang mga drivers na mabigyan ng ayuda sa ilalim ng Pangtawid Pasada Program na hanggang ngayon ay marami pa ang hindi nabibigyan.