LEGAZPI CITY – Nag-test flight na ngayong araw si Transport Secretary Arthur Tugade tulad ng ipinangako na magla-landing sa Bicol International Airport sa Daraga, Albay sa pagtatapos ng Hulyo 2021.
Kasama nito sina Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco, Undersecretary for Finance Guovanni Lopez, Assistant Secretary for Communications and Commuter Affairs Goddes Hope Libiran, MIAA General Manager Ed Monreal, Assistant Secretary for Aviation and Airports Jim Melo at ilan pang transport officials.
Nabatid na 89% na rin ang construction progress sa paliparan habang nagsagawa naman ng inspeksyon ang kalihim sa itinuturing na “Most Scenic Gateway” ng bansa.
Pagbibida pa ng kagawaran na 96% complete na ang Package 2A ng proyekto na sakop ang air traffic control tower, administration building, crash fire rescue building, at cargo terminal building na inaasahang matatapos sa susunod na buwan.
Nasa 75% complete na rin ang Package 2B kung saan 90.5% complete na ang Passenger Terminal Building at naghahabol pa sa runway bago magtapos ang Agosto 2021.
Sakaling maging operational na ang paliparan, tinitingnang magpapalakas ito sa air traffic at tourist arrivals sa rehiyon na magdadala ng dalawang milyon katao sa bawat taon.
Inaasahang “technically operational na ito para sa day operations sa Oktubre 7 habang target rin ang night flights pagdating ng Nobyembre 4.