CAUAYAN CITY- Kinokondena ng sektor ng transport group ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa malaking epekto nito sa kabuhayan ng mga tsuper at operator maging ng mga mamamayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinuwestiyon ni G. Mody Floranda, national chairman ng PISTON kung bakit lingguhan ang pagtaas ng presyo ng langis gayong hindi naman lingguhan at buwanan ang kanilang pag-angkat sa ibang bansa.
Ang supply ng langis aniya ay mula tatlo hanggang anim na buwan kaya hindi dapat na awtomatiko na nagtataas ang mga kompanya ng langis ng presyo ng kanilang produkto kung tumaas ang presyo sa pandaigdigang merkado.
Panawagan nila sa kamara na ibasura ang oil deregulation law at suspindihin ang excise tax sa langis.
Hinggil sa libreng sakay program ng LTFRB, sinabi ni Floranda na dapat ilagay ito sa may lehitimong ruta ng mga public transport para hindi maapektuhan ang mga pampasadang sasakyan.