-- Advertisements --

Naniniwala si Sen. Grace Poe na dapat na maghanda ang mga opisyal ng Department of Transportation sa posibleng pagkakasa ng imbestigasyon laban sa kanila kaugnay sa posibleng maging epekto ng pagsusulong ng modernisasyon ng pamahalaan sa mga public utility vehicle sa bansa.

Ayon sa senadora, sa ngayon ay inatasan na nya ang DOTr na magsumite ng comprehensive data hinggil sa status at revised timeline ng Public Utility Vehicle Modernization Program at ang components nito.

Bukod dito ay nanghihingi rin si Sen. Poe ng updated statistics ng consolidated jeepneys, maging ng bilang ng mga rutang sineserbisyuhan nito, mga alternative routes, at contingency plans para sa mga commuter.

Kasabay nito ay hinihingan ng mambabatas ang Transportation Department ng mga plano nito para sa mga maapektuhang tsuper na mawawalan ng kabuhayan sa oras na tuluyan nang maipatupad ang naturang programa.

Samantala, sa kabilang banda naman ay hinikayat ng mambabatas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maglagay ng help desks sa buong bansa na tutulong sa mga tsuper at Operators ng PUV na pangunahing maapektuhan ng Modernization program.