LEGAZPI CITY – Nadismaya si Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade sa takbo ng konstruksyon ng Bicol International Airport (BIA) na kasalukoyan pang ginagawa sa Barangay Alobo, Daraga, Albay.
Ito ay matapos ang isinagawang surpresang pagbisita ng Kalihim sa nasabing paliparan na target sanang maging operational na sa pagtatapos ng taong 2020.
Kaugnay nito, inihayag ni Regional Development Council (RDC) Bicol Chairman at Legazpi City Mayor Noel Rosal sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagpasa na sila ng resolusyon upang mapabilis na ang trabaho sa paliparan.
Isa sa tinitingnang paraan ang paghingi na ng tulong sa 3rd party bilang consultant ng disenyo upang maayos ang mga nakitang crack sa runway ng paliparan.
Inaasahan naman na malaki ang maitutulong ng Bicol International Airport sa ekonomiya at turismo ng rehiyon oras na matapos na ito.