-- Advertisements --

Inanunsiyo ni Quiapo Church Rector at Parish Priest Rev. Fr. Rufino Secson Jr na ang ngayong taong pagdiriwang sa Poong Hesus Nazareno tuwing Enero 9 ay kinilala na ng Vatican bilang national feast para sa bansang Pilipinas.

Ayon kay Fr. Secson, sila ay nagpasa sa Vatican ng proposal na gawing nationwide religious event ang pagdiriwang ng Hesus Nazareno. Ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay suportado ang ganitong proposal ng simbahan kaya naman ito ay naaprubahan na agad ng Vatican.

Ang naturang pagdiriwang ay magiging laganap na sa buong Pilipinas at mundo. Ibig-sabihin, sa araw ng Enero 9 ay maaari ng magsagawa ng misa sa iba’t ibang lugar ng bansa na may kinalaman sa paggunita rito. Gayundin ang mga Pilipino sa buong mundo ay maaaring makiisa sa pagdiriwang sa karangalan ng Poong Hesus Nazareno.

Matatandaan na ang araw ng Sto. Nino ay kinilala rin bilang National Feast kaya naman sa buong bansa at kahit sa mga ibang bansa ay nagkakaroon ng misa sa pagkilala kay Sto. Nino.