NAGA CITY – Sabay-sabay na tumunog ang kampana sa lahat ng simbahan sa lungsod ng Naga eksakto alas-12:00 ngayong tanghali.
Hudyat ito ng pagsisimula na ng Traslacion Procession at novenario kay Nuestra Senora de Penafrancia at El Divino Rostro.
Kaugnay nito, umusad na ang libo-libong deboto na mula pa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Alas-2:00 mamayang hapon, magkakaroon ng banal na misa sa Penafrancia Shrine habang alas 2:30 unang ilalabas ang imahe ni El Divino Rostro at alas 3:00 naman sunod na ilalabas ang imahe ni Ina at ililipat sa Metropolitan Cathedral.
Mananatili ang naturang mga imahe sa nasabing simbahan hanggang sa Setyembre 21 kung saan gagawin ang Fluvial Procession o ang pagbabalik ng mga imahe mula sa Metropolitan Cathedral hanggang sa Basilica Menore na idadaan sa Naga River.
Samantala, pansamantalang nawalan ng signal ang lahat ng mobile networks sa buong lungsod kaugnay nang ipinatupad na signal jamming ng security cluster.
Ito na ang 307th year ng debosyon kay Ina na itinuturing na Patrona ng Bicol na pinaniniwalaang milagroso.
At dahil sa taunang pagbuhos ng mga deboto sa lungsod, ang Naga City ay kilala na rin sa tawag na pilgrim City.