-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagpalabas ng travel advisory si US President Joe Biden para pansamantalang ipagbawal ang pagtungo ng mga Amerikano sa Haiti dahil sa mga nagaganap na pagdukot.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jon Melegrito,News Editor ng isang pahayagan sa Washington DC na araw-araw na nakakatanggap ng update si Pangulong Biden sa Federal Bureau of Investigation (FBI) at National Security team para magkaroon ng negosasyon sa 400 Mowoso Gang na dumukot sa 17 Amerikanong misyonero.

Alam aniya ng FBI na nanganganib ang buhay ng mga dinukot na biktima sa pagdaan ng mga araw kaya sinisikap na magtagumpay ang negosasyon.

Magulo at mahirap aniya ang sitwasyon ngayon sa Haiti dahil sa pagpatay sa kanilang pangulo at sa epekto ng naganap na lindol kaya ito ang sinasamantala ng mga kidnapper.

Ayon kay Melegrito, kailangan ang international assistance sa Haiti para malutas ang magulong sitwasyon sa naturang bansa.