Hinimok ng pinuno ng Philippine Travel Agencies Association ang mga awtoridad ng bansa na timbangin ang positibo at negatibong epekto ng mas mahigpit na panuntunan sa pagkuha ng tourist visa para sa mga Chinese national.
Ayon kay PTAA president Mariegel Manotok, dapat na ikonsidera ang posibleng benepisyo ng bagong requirements sa pagkuha ng tourist visa sa panig ng mga Chinese national at travel agencies.
Paliwanag nito na mayroong epekto sa turismo ang mas mahigpit na visa requirements bagamat batid din nila na ginagawa lamang ng gobyerno ng PH ang trabaho nito.
Hinikayat din ng travel agencies ang mga awtoridad na ipaliwanag ang kailangan para sa mas striktong requirements para sa Chinese nationals para ipakita na isinasaalang-alang din ang kanilang kapakanan.
Hindi rin dapat na lahatin at posibleng mayroong mga kinikilingan din na kailangang ipaliwanag ng mabuti dahil marami aniyang mga turistang Chiense na nais bumisita sa Pilipinas.
Matatandaan, una ng sinabi ni Department of Foreign Affairs Jesus Gary Domingo na bumabalangkas na ang ahensiya ng mas mahigpit na visa policy na magmamandato sa mga aplikante na magsumite ng kanilang social insurance certificate maliban pa sa ibang kaukulang dokumento sa layuning masala ang mga posibleng mga troublemaker mula sa lehitimong mga turista at biyahero.
Ito ay sa gitna ng tumataas na insidente kung saan ang mga visa applicant mula China ay nagsusumite ng mga pekeng dokumento.