-- Advertisements --

Tinukoy ni Presidential Anti-organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz ang isang travel agency na sangkot sa pag-iisyu ng mga kwestiyonableng government document sa mga dayuhan na posibleng “missing link” sa imbestigasyon ng Senado sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Sa isang press briefing ngayong Huwebes, sinabi ng PAOCC chief na nitong Miyerkules, Pebrero 5 nagkasa ang PAOCC sa pakikipagtulungan sa PNP- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng isang joint entrapment operation laban sa travel and visa consultancy firm na JRB Travel and Consultancy Services Inc. sa Intramuros, Manila.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto kay Rosalie Bermas Bolaños at Jaive Espolong Nobleta para sa iligal na pagproseso sa mga Philippine government identification cards para sa mga dayuhan.

Ipinaliwanag pa ni Cruz na bagamat totoo ang naturang mga government document at authenticated ng mga ahensiya tulad ng Philippine Statistics Authority (PSA), nananatili aniyang kwestyonable ang mga impormasyon at nilalaman ng mga ito.

Naaresto naman na ang nasabing mga suspek dahil sa pagpapanggap din ng mga ito bilang tauhan ng PAOCC base sa sumbong ng mga complainant na asawa at partners ng POGO workers.

Ayon sa mga complainant, kinikilan sila ng malaking halaga ng pera na aabot hanggang sa mahigit isang milyon para ma-secure ang paglaya ng kanilang mga asawa o partner na dayuhan at mapigilan ang kanilang deportation.

Inilarawan naman ng PAOCC chief ang operasyon bilang isang malaking sindikato kung saan posible aniyang may kontak ang naturang travel agency sa iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno hindi lang sa Bureau of Immigration kundi maging sa PSA at sa LTO.

Samantala, inihayag naman ni Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval na napag-alaman base sa records ng ahensiya na blacklisted na ang nasabing travel agency at ang nahuling suspek noong April 30, 2024 dahil sa illegal practices.