-- Advertisements --

Ikinokonsidera ng Malacañang ang pagbabawal na makapasok sa bansa ang mga galing ng United Kingdom dahil sa napabalitang nagkaroon ng mutation ng COVID-19 doon at mabilis itong kumakalat.

Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, aabisuhan nila ang Department of Transpotation (DOTR) dahil sila ang nakakasakop sa mga paliparan sa bansa para makapagsagawa ng ebalwasyon.

Ayon kay Sec. Roque, sa ngayon ay mahigpit naman ang protocol na ipinatutupad sa mga paliparan lalo na ang mga inbound passenger na galing ng ibang bansa.

Inihayag ni Sec. Roque na hindi basta nakakapasok sa bansa ang mga galing abroad dahil kailangan silang dumaan sa mahigpit na health screening kasama na dito ang pagsasailalim sa swab test at quarantine.

Niliwanag ni Sec. Roque na tinitiyak ng Department of Health (DOH) na batay sa ulat ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na hindi pa nakakapasok sa bansa ang sinasabing bagong strain ng COVID-19 na nakita sa Untied Kingdom.

Batay sa report, ilang mga bansa na ang nagpapatupad ng travel ban ng mga pasaherong galing ng United Kingdom dahil sa pangambang makapasok ang bagong strain ng COVID-19.