Nakahanda ang Bureau of Immigration sa pagsusumite ng mga naging travel records ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para makatulong sa isasagawang imbestigasyon.
Ito ang kinumpirma ni BI spokesperson Dana Sandoval sa isang panayam ngayong araw.
Ginawa ni Sandoval ang pahayag matapos na matanong hinggil sa travel records ng alkalde na kung saan kwestyunable ngayon ang kanyang citizenship.
Sa oras aniya na atasan silang isumite ito ay nakahanda sila na ibigay ito sa mga kinauukulan.
Aniya, ang lahat ng mga travel records ng lahat ng mga banyaga at Pilipino ay nasa centralized database ng ahensya.
Una rito, kinumpirma ng pamunuan ng COMELEC na posible namang sampahan ng disqualification case ang alkalde ng Bamban, Tarlac.
Ito ay matapos na magsinungaling si Mayor Alice Guo hinggil sa kanyang tunay na citizenship.
Sa isang pahayag, sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Chair George Erwin Garcia na kasong Perjury ang maaaring kaharapin ng alkalde.
Batay sa datos ng Comelec, taong 2021 ng maging rehistradong botante sa Bamban, Tarlac ang mayora.
Paliwanag pa ni Garcia, nagsumite ang alkalde ng kumpletong requirements kaya ito tinanggap ng COMELEC Bamban, Tarlac.
Wala rin aniyang naghain ng anumang protesta ng manalo ito sa halalan sa pagka-alkalde kaya ito nakaupo sa pwesto.
Si Guo ay mainit na topic ngayong matapos na madawit ang kanyang pangalan sa pagpapatakbo ng isang POGO hub na dahilan rin upang maungkat ang kanyang pagkakakilanlan.