-- Advertisements --

Hindi na muna patutuluyin sa Pilipinas ang mga biyaherong mula sa Pakistan, Nepal, Sri Lanka at Bangladesh, maging iyong mga mayroong travel history sa mga nabanggit na bansa sa nakalipas na 14 na araw.

Batay sa memorandum na inilabas ni Executive Sec. Salvador Medialdea ngayong araw, epektibo ito simula ala-1:00 ng madaling araw ng May 7 hanggang May 14, 2021.

Ito ay mayroon pa ring kinalaman sa double mutant variant ng COVID-19 na unang naitatala sa India.

NAIA chinese passengers flight

Para sa mga pasaherong in-transit na mula sa bansang ito o mga makakarating sa Pilipinas bago ang May 7 ay makakapasok pa rin sa bansa pero sasailalim ang mga ito sa mas mahigpit na quarantine at testing protocols.

Kabilang na ang absolute facility-based 14-day quarantine period kahit pa mayroong negative PCR test result ang mga ito.

Samantala ang mga Pilipino at foreign nationals naman na dumaan lamang ang flights mula sa nasabing bansa, o nanatili lamang sa airport at hindi talaga pumasok sa mga bansang nabanggit ay hindi ikinokonsiderang nagmula o nagkaroon ng travel history sa mga bansang ito.

Dahil dito, hindi na oobligahin ang mga ito ng 14-day facility-based quarantine, pero dapat na sumunod pa rin ang mga ito sa quarantine at testing protocol na ipinatutupad sa mga paliparan.

Ang lahat ng COVID-19 positive specimen na makukuha mula sa mga pasahero mula sa nabanggit na bansa, kabilang na ang India ay kailangang sumailalim sa whole genome sequencing habang ang close contact ng mga hanggang sa third generation ay dapat na sumunod sa facility-based 14-day quarantine.