-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY- Ang ipinatutupad na mahigpit na travel restrictions at home quarantine ang sikreto umano ng Batanes kaya nananatili itong COVID-19 free.

Sinabi ni Ignacio Villa, acting governor ng lalawigan, na buhat nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine ay hindi na sila nagpapapasok ng mga turista at maging ng kanilang mga kababayan na galing sa labas ng probinsiya.

Tanging ang mga barko lamang aniya ang pinapayagan sa kanilang lugar na may sakay na mga commodities at langis. Ipinagbabawal din ang pagbaba ng mga crews ng barko.

Kaugnay nito, sinabi ni Villa na may exit plan na sila kung sakaling tanggalin na ang ECQ sa Luzon.

Kabilang na dito ang pagpayag na magbukas ang mga establisimyento at ilang trabaho dahil hindi nila kakayanin na pakainin ang kanilang mga kababayan kung magtatagal pa ang mahigpit na ECQ.

Idinagdag pa niya na maaaring papasukin na rin ang kanilang mga kababayan na sasailalim sa home quarantine subalit bawal muna ang mga turista.

Ani Villa, higit na naapektuhan ang turismo ng Batanes dahil sa ECQ.

Gayunman, sinabi niya na sinabi sa kanya ng mga manggagawa na apektado sa ECQ lalo na ang mga nasa hotels na handa sila magsakripisyo basta’t hindi makakapasok ang covid-19 virus lalawigan.