Sa kabila ng banta ng bagong nakakahawa at vaccine-evasive variants ng covid-19 sa bansa, target ng gobyerno ng Pilipinas na luwagan na ang travel restrictions.
Inanunsiyo ni Tourism Secretary Maria Cristina Frasco ngayong araw ang planong pagtanggal ng “stringent protocols” kabilang ang RT-PCR testing bago ang pagdating sa Pilipinas at ang vaccination requirement sa mga banyaga na bibisita sa bansa.
Ayon sa kalihim ang mga hindi pa bakunadong foreign travelers ay papayagan na pumasok sa bansa pero dapat na magpresenta ang mga ito ng resulta ng kanilang antigen test na kinuha 24 oras bago ang arrival sa bansa o pagkadating sa bansa.
Ani Frasco, positibo silang lahat ng restrictions ay luluwagan na ng Marcos administration na makakatulong din para sa muling pagbangon ng industriya ng turismo sa bansa at magbebenispisyo din sa pamumuhay ng milyong mga Pilipino.
Sa ngayon, wala pang inaanunsiyo na petsa ang DOT kung kailan magiging epektibo ang bagong protocols.
Ang anunsiyo ng pagluluwag sa travel restrictions ay kasunod ng planong gawing optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa indoors.