-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — (Update) Nilinaw ng Department of Health (DOH) Bicol na hindi na kailangan pang magsuot ng face mask ang mga residente ng Cataingan, Masbate kasunod ng pinaniniwalaang kaso ng meningococcemia.

Ayon kay DoH-Bicol regional epidemiologist Dr. Aurora Teresa Daluro sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naibigay ang proper burial sa pitong taong gulang na Grade 1 pupil alinsunod na rin sa Presidential Decree 856 o Code Sanitation of the Philippines.

Ang tanging nasa panganib umano ng pagkakaroon ng nasabing sakit ay ang tinatawag na “close contact” o ang mga nakasama ng bata sa bahay, at ang nag-alaga dito sa loob ng apat na magkakasunod na oras.

Ngunit ayon kay Daluro, nabigyan na ng prophylactic medicine ang mga ito upang hindi na mag-develop ng mga sintomas at imo-monitor din sa susunod na 10 araw.

Maliban dito, kumuha rin ng blood sample sa ibang close contacts na ipapadala rin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Samantala, inanunsyo naman ng Provincial Health Office (PHO) ng Masbate na walang ipinatupad na travel and trade restrictions kasunod ng insidente.