Mariing itinanggi ng Toll Regulatory Board (TRB) na hindi sila naglabas ng anumang direktiba para sa indefinite closure ng Skyway Stage 3 — na siyang kumukonekta ng North Luzon Expressway sa elevated highway sa itaas ng South Luzon Expressway.
Sa isang statement, iginiit ng TRB ang kanilang posisyon na panatilihing bukas ang Skyway Stage 3 para na rin sa benepisyo ng lahat ng mga motorista.
Nauna nang sinabi ng San Miguel Corp. Infrastructure, na siyang nagpondo sa proyekto, na ang tollway ay pansamantalang isasara alinsunod na rin sa direktibang inilabas ng TRB.
Ang Skyway Stage 3, na binuksan noong Disyembre 28, 2020, ay isang major infrastructure initiative ng gobyerno katuwang ang kompanya ni Ramon Ang, na mayroong haba na 14.82 kilometers.
Layon ng proyektong ito na ma-decongest ang mga pangunahing daanan sa Metro Manila, kabilang ang EDSA, at para makagawa ng mga panibagong ruta sa mga motorista.