GENERAL SANTOS CITY – Patuloy ang paghahanap sa mga otoridad sa isang treasure hunter na kasama sa biktima na nakita na lamang patay sa loob ng 70 meters na tunnel.
Sa ngayon, hawak na ng Malungon Municipal Police station si Rowena Madin, residente ng Sitio Inyam, Brgy. Upper Mainit, Malungon Sarangani Province.
Unang kinumpirma ni Fire Marshall Ramel Lacaba ng Bureau of Fire Protection (BFP) Malungon na namatay ang biktima na si Teodolo Cadelinia, 48 residente ng Barangay Fatima, General Santos City.
Nakatanggap umano ng tawag ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na na-trap ang isang lalaki sa tunnel.
Pumasok umano ang biktima alas-10:00 ng umaga sa “L” tunnel subalit dakong alas-2:00 na ng hapon ay hindi pa rin nakakalabas ang biktima.
Inamin ni Lacaba na pahirapan ang pagkuha ng bangkay dahil masyadong masikip ang tunnel matapos makita ang biktima na nakaupo sa ilalim ng tunnel.
Pagkatapos ng dalawang oras na rescue operations nakuha rin ang bangkay at dinala sa punerarya.