CEBU – Disgrasya ang inabot ng ginawang treasure hunting sa Barangay Canlumampao, lungsod ng Toledo, probinsya ng Cebu.
Patay ang isang Person With Disability (PWD) matapos na nalunod sa isang malalim na hukay sa kanilang sariling bakuran.
Kinilala ang biktima na si Macario Cepada, 28 taong gulang at residente sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Staff Sergeant Rino Allego ng Toledo PNP, isinalaysay nitong naengganyo diumano ang biktima na maligo sa isang malalim na hukay na puno ng tubig dahil sa sunod-sunod na pag-ulan.
Ayon kay Allego na ang nasabing hukay ay gawa ng ama ng biktima matapos na ito’y nag-treasure hunting sa kanilang bakuran.
Aniya, dahil sa sunod-sunod na ulan ay napuno ng tubig ang hukay kaya doon naligo ang biktima.
Natutulog diumano ang mga magulang ng biktima kaya hindi namalayan ang nangyaring insidente.
Nagpalutang-lutang na ang biktima nang ito’y nakita ng kanyang mga magulang kaya agad itong dinala sa ospital, ngunit hindi na ito naagapan pa.
Nilinaw ni Police Staff Sergeant Allego na wala namang foul play sa nangyaring insidente at tanging pagkalunod ang ikinamatay ng biktima.