Tiniyak ng Department of Health (DOH) na may gagawing hakbang ang pamahalaan para masugpo ang mataas na bilang ng dengue sa bansa.
Ayon sa Health Usec. Eric Domingo, nakatakdang ilatag ng DOH at World Health Organization (WHO) ang treatment facility para sa mga biktima ng sakit.
“We’re working with WHO to set up our center of excellence for the treatment of dengue in Luzon, Visayas and Mindanao, then of course spreading that later. Although the fatality rate of 0.4-percent is low, we know that we can bring it down. We want to bring it down to less than 0.2-percent para lahat ng nagkaka-dengue should be able to recover,” ani Domingo sa press conference nitong Lunes.
“(But) of course importantly is early detection. Kaya lagi namin pinapanawagan (lalo na) panahon ngayon, ‘pag may lagnat yung bata ng two or three days kailangan dalhin na agad sa (health) center or hospital because we have a rapid test that can detect if its dengue or not.”
Nilinaw ng DOH na wala ng ibinibentang anti-dengue vaccine na Dengvaxia dito sa Pilipinas kaya imposibleng ito ang sanhi ng dengue death cases.
Gayundin na walang siyentipikong basehan na makapagsasabing nakamamatay ang kontrobersyal na bakuna.
Sa tala ng DOH, higit 100,000 na ang bilang ng naitalang kaso ng dengue sa buong bansa mula Enero.
Ito ay higit 80-porsyentong mataas mula sa higit 57,000 na kaso noong nakaraang taon.
Umabot naman sa 456 ang bilang ng mga namatay dahil sa sakit.
Sa mga rehiyon, pinaka-mataas ang mga kaso ng dengue sa Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas at Northern Mindanao.
Patuloy namang tinututukan ng kagawaran ang Ilocos region, Cagayan valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula dahil sa mabilis din na pagtaas ng mga kaso.
Pareho rin ang ginagawa ng DOH sa Bangsamoro region at Cordillera.