Isinusulong ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. at ng kaniyang gobyerno na panahon na para magsagawa ng assessment at rebyuhin ang treaty agreements na nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Sa nakatakdang pagbiyahe ng Pangulo sa Amerika sa susunod na Linggo, magkakaroon siya ng bilateral meeting kasama si US President Joe Biden at kanilang pag-uusapan ang Mutual Defense Treaty (MDT).
Punto ng Pangulo kailangan ng magkaroon ng pagbabago o adjustment dahil nagbabago na rin ang kasalukuyang sitwasyon.
Kabilang sa misyon ng Pangulong Marcos sa pagbisita sa Amerika ay para humingi ng maraming tulong.
Kasama na aniya sa dapat na maiadjust at mabigyan ng linaw ay ang mga treaty agreements sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, kasama aniya rito ang visiting forces agreement at mutual defense treaty.
Naniniwala ang Pangulo na kailangang mabawasan ang mga rhetoric o mabibigat na pananalita sa pagitan ng ibang mga bansa, kasabay ng pagbibigay diin na matagal na nating partner ang Estados Unidos kaya mayroon aniya tayong espesyal na relasyon dito.
Dagdag pa ng Pangulo bukod sa usaping pang ekonomiya at militar, hihingin din ng Pilipinas ang tulong ng Amerika sa usaping kalusugan.