-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Tinungo ng mga kawani ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) kasama ang iba’t ibang organisasyon at ahensya ang bulubunduking bahagi ng Sitio Calura, Brgy. Minamaing, Matalam, Cotabato upang magsagawa ng tree growing activity.

Hindi alintana ng higit sa walumpung (80) indibidwal ang isang oras na paglalakad sa matarik at madulas na daan mula sa Sitio New Bacolod ng nasabing barangay papunta sa limang ektaryang watershed at protected area ng Sitio Calura maitanim lamang ang 600 forest trees mula sa pamahalaang panlalawigan at Arakan Valley Complex Project Management Office.

Ayon kay Minamaing Brgy. Chairman Wilfredo C. Agpalo, ang pagtatanim ng puno sa mga protected watershed ang nakikita nilang isa sa mga paraan upang maprotektahan ito sa problemang dulot ng pagbabago ng klima o climate change.

“Gapasalamat kami sa inyong presensya karon, kini nga aktibidad gapakita nga kita naghiusa sa pag protekta sa atoang mga watershed. Ang barangay Minamaing usahay makasinati na ug shortage sa tubig tungod sa pag bag-o sa dagan sa panahon. Nagapasalamat kami sa probinsya, kay Gob. Lala sa paghatag sa atoang request na mag conduct ug tree growing activity diri sa barangay,” pahayag ni Chairman Agpalo.

Ipinaliwanag naman ni OPAg Interim-PENRO OIC Elvira Q. Mendoza na ang kanilang tanggapan ay magsasagawa ng monitoring kada dalawang buwan sa area upang mamonitor ang mga punong itinanim. Ang barangay naman ay nangakong titiyakin na maaalagaan ng mabuti ang mga itinanim para na rin sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Nagpasalamat naman si Provincial Councilor’s League (PCL) President Rene Rubino kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa suportang ipinakita ng mga barangay at iba pang stakeholders sa programa ng probinsya na may kinalaman sa environmental protection and preservation.

Kabilang sa mga nakilahok sa naturang tree planting ang Armed Forces of the Philippines, kawani ng Toyota Kidapawan Branch, 4H Club members, Dep.Ed personnel, Minamaing barangay council at iba pang volunteers.