Positibo ang nakikitang trend ng mga ekonomista sa patuloy na pagbaba ng inflation rate sa ating bansa.
Mula kasi sa 4.4 percent noong Enero, nasa 3.8 percent na lang ito nitong buwan ng Pebrero.
Lubhang malayo na iyon sa 6.7 percent na naitala noong Setyembre at Oktubre noong 2018.
Sa tingin ng financial analyst na si Astro del Castillo, magandang trend ito at hangad nilang magpatuloy.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Del Castillo, na kung mananatili ang positibong development, indikasyon din ito ng mas matatag na ekonomiya sa hinaharap.
“Sa nakikita po naming mga financial analyst, nasa two to three percent lamang ang magiging takbo ngayong taon ng inflation,” wika ni Del Castillo sa panayam ng Bombo Radyo.
Una rito, iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) Asec. Josie Perez, na halos walang gaanong naging paggalaw sa halaga ng mga pangunahing bilihin sa merkado noong Pebrero.
Ang inflation ay sukatan ng bilis sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa mga partikular na lugar at panahon.