Matagumpay na natapos ng BRP Gabriela Silang (OPV-8301) ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Tri-Country Port Visit mission sa Da Nang City, Vietnam mula Abril 14 hanggang 17, 2025.
Pinangunahan ni Captain Eleizer Ibarrientos, ang huling destinasyon nito sa Vietnam ay nagsilbing culmination ng makasaysayang pagbisita sa Thailand at Malaysia.
Sa tatlong araw na pagbisita, nagpatibay ang PCG at Vietnam Coast Guard (VCG) ng bilateral cooperation sa pamamagitan ng mga courtesy calls, professional exchanges, ship tours, people-to-people engagements, at preparatory meetings.
Bilang tanda ng mabuting pakikitungo, nagbigay ang VCG ng farewell ceremony para opisyal na makabyahe ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301), na sinundan ng joint at-sea exercise sa search and rescue at firefighting.
Ang reciprocal visit ay nagpapatibay ng ugnayan ng PCG at VCG, kasunod ng Memorandum of Understanding noong Enero 2024 at pagbisita ng VCG Ship CSB 8002 sa Manila noong Agosto ng nasabing taon.
Ang pagbisita sa Vietnam ay nagbigay-diin sa aktibong papel ng PCG sa regional collaboration sa ilalim ng ASEAN Coast Guard Forum (ACF) at pagpapabuti ng maritime security sa Southeast Asia.
Sa ngayon, pabalik na sa Pilipinas ang BRP Gabriela Silang, taglay ang mas pinatibay na ugnayan, karanasan, at pangako na suportahan para sa mas ligtas at mas siguradong maritime domain sa rehiyon.