Magiging bukas sa publiko ang isasagawa ng International Criminal Court na trial laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ayon kay The Hague Academy of International Law alumnus, Atty. Dino De Leon, maaaring panuurin ng publiko ang gagawing paglilitis sa dating pangulo kapag nagsimula na ang trial.
Inihalimbawa ng batikang abogado ang ginawa ng international court na inisyal na pagdinig sa isyu kung mayroong hurisdiksyon ang ICC para imbestigahan ang mga patayan sa ilalim ng drug war ng nakalipas na administrasyon.
Aniya, bukas ito sa sinumang nagnanais manuod ngunit limitado lamang ang mga seating capacity kaya’t posibleng magpatupad din ang korte ng limitasyon sa mga papapasukin sa loob mismo ng chamber.
Naniniwala rin ang law expert na maraming mga human rights advocate ang magnanais na manuod sa isasagawang pagdinig at personal na masaksihan ang paglilitis.
Katwiran nito, maraming magagawang ‘precedence’ ang tuluyang paglilitis kay Duterte tulad ng unang Asian president na lilitisin ng ICC; unang presidente na lilitisin matapos umalis ang kaniyang bansa mula sa Rome Stature, atbpang bago sa kasaysayan.
Ayon kay Atty. De Leon, ngayon pa lamang ay may ilang mga human rights advocate na ang nagpaplanong personal na manuod sa magiging trial, kasama ang booking ng hotel sa Netherlands, transport schedule, atbpa.