LEGAZPI CITY – Nangangamba ang Commission on Human Rights (CHR) Bicol na magamit sa publicity ang pagpapalabas ng panibagong listahan ng mga politikong sinasabing sangkot sa transaksyon ng iligal na droga o “narco-list.”
Ayon kay CHR Bicol Director Atty. Arlene Alangco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mas maigi pa rin kung ipapalabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang hawak na impormasyon sa proper forum o sa korte.
Dito aniya mabibigyan ng pagkakataon ang akusado na makapagpaliwanag at maidepensa ang sarili sa mga kinakaharap na reklamo.
Dagdag pa ni Alangco na kailangang maglabas ng ebidensya ang dalawang panig upang makita ang bigat ng nagawang paglabag.
Posible rin kasi umanong magamit ang naturang listahan upang masira ang reputasyon ng akusado at mismong pamilya nito na mahirap nang maibalik lalo na kung mapapatunayang walang katotohanan ang ibinabatong akusasyon.
Samantala, bukas naman ang CHR sa pagtulong kung may lalapit sa tanggapan.