-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pananambang patay sa mag-ama sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao.

Nakilala ang mga nasawi na sina Timuay Orlando Santos at anak nitong si Michael na kapwa residente ng Barangay Saniag, Ampatuan.

Samantala, sugatan naman ang kasama ng mga biktima na si Kimboy Fernalino na ginagamot na ngayon sa Maguindanao Provincial Hospital.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na sakay ang mga biktima sa motorsiklo pauwi sa Barangay Saniag nang tinambangan ng mga hindi pa nakilalang mga armado.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga otoridad ang motibo ng pananambang gayundin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Napag-alaman na higit sampung mga kasapi ng Teduray community leaders ang napatay mula sa mga bayan ng Ampatuan, Shariff Aguak, Datu Unsay at Datu Saudi na hindi pa nabibigyan ng hustisya sa ngayon.