-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Bumuhos ang libu-libong mga deboto at turista sa katatapos na Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2024 noong Linggo.

Binigyan ng magandang panahon ang selebrasyon simula noong Sabado sa bisperas ng kapistahan hanggang Linggo kumpara noong mga nakaraang araw na nakaranas ng mga pag-ulan dahil sa shear line at amihan.

Mula umaga hanggang gabi, punung-puno ang mga lansangan sa festival zone.

Sa kabilang daku, mula sa 34 na kalahok na tribu at grupo mula sa iba’t-ibang kategorya na humataw sa street dancing contest, muling nabawi ng tribung Black Beauty Boys ang kampeonato na halos dalawang taon nilang hindi nahawakan sa Tribal Big Category. Tinanggap nila ang grand prize na P1 milyon.

Maliban dito, nakuha rin nila ang mga special awards katulad ng Best in Costume, Best in Beats and Sounds, Best in Street Dancing, Best in Headdress at Most Disciplined.

Pumapangalawa sa kanila ang Tribu Linabuanon at pangatlo ang nagkampeon noong 2023 na Vikings.

Para naman sa Tribal Small Category, panalo ang Tribung Kabog. Ang grupo ay nag-uwi ng P150,000.

Hakot awards rin ng naturang grupo ang mga special awards na Best in Costume, Beats and Sounds, Most Disciplined, Street Dancing at Headdress.

Ikalawang pwesto ang Tribu Tampogaling na sinundan ng defending champion na Tribu Bukid Tigayon.

Sa Balik Ati category na may walong contingents , ang grand winner na Apo ni Inday ay tumanggap ng P120,000. Second-place winner ang Tribu Naisud at third-place winner ang Sinikway nga Ati.

Kaugnay nito, dahil sa tagumpay ng festival, inanunsyo ni Kalibo Mayor Juris Sucro na tataasan sa P1.2 milyon ang magiging grand prize sa Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-Atihan festival sa susunod na taon.//

Samantala, naging emosyunal si Barangay Kagawad Frederick Mavacinta ng Linabuan Norte, Kalibo at isa sa mga handler ng nagkampeon na Black Beauty Boys dahil sa mga pinagdaanang hirap.

Aniya, lahat ng kanilang hirap at pagod sa paghahanda ay “worth it”.

Itinuturing umano nila ang taun-taong pagtatanghal ay hindi lang paligsahan kundi bilang pagpupugay at pasasalamat din sa mga biyaya mula kay Señor Sto. Niño.