Patuloy na bumubuhos ang mga tribute mula sa mga fans at music industry kasunod ng pagpanaw ng 31 anyos na dating miyembro ng sikat na English-Irish pop boy band na One Direction na si Liam Payne matapos mahulog mula sa balcony room ng ikatlong palapag ng isang hotel sa Buenos Aires, Argentina nitong gabi ng Miyerkules, Oktubre 16.
Nagpahayag ng pagkabigla at pagdadalamhati ang mga fans kung saan ilan sa kanila ay nagtipun-tipon sa labas ng Casa Sur hotel kung saan natagpuang patay ang singer. Nag-alay ang mga tagahanga ni Payne ng isang vigil, sandaling katahimikan, nagtirik ng mga kandila at pinatugtog ang ilang mga kanta ng 1D.
Ilan naman sa malalaking pangalan sa music industry ang nagbigay pugay sa yumaong musician, kabilang dito si British singer Olly Murs na nagpahayag na devastated siya sa nangyari habang inalala naman ni American singer-songwriter Charlie Puth ang kabaitan ni Payne na isa din sa pinakaunang major artists na kaniyang nakatrabaho.
Nagbahagi din ang ina ng kabanda ni Payne sa One Direction na si Harry Styles, ng tribute sa kaniyang IG account ng isang broken heart picture na may caption na “Just a boy”.
Nakiisa din ang mga music industry bodies sa mga kaibigan at fans ni Payne sa pagbibigay ng tribute. Nagpahayag ng lubhang pagkalungkot ang streaming giants na Spotify, MTV, Brit Awards at Amazon Music sa pagpanaw ni Payne.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na statement ang iba pang mga miyembro ng 1D sa pagpanaw ng singer.
Matatandaan na sumikat si Payne sa edad na 16 anyos pa lamang nang mabuo ang 1D sa X Factor noong 2010. Mula noon ay naging biggest boy band sila sa buong mundo, humakot ng multi-awards at best selling albums bago magpasya ang banda na magpahinga muna o indefinite hiatus noong 2016 at nagpursige sa kani-kanilang solo career. Ang pinakahuling single na ni-release ni Payne ay ang awiting “Teardrop” noong Marso ng kasalukuyang taon.