-- Advertisements --

BACOLOD CITY — Papayagan na ang mga tricycle at pedicab sa lalawigan ng Negros Occidental na bumiyahe simula Lunes kahit umiiiral pa ang community quarantine dahil sa coronavirus disease.

Ayon kay Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson, may modifications na ipapatupad sa enhanced community quarantine kasunod ng kanyang pulong sa mga alkalde sa lalawigan kahapon.

Ang enhanced community quarantine ay magpapatuloy hanggang Abril 30 ngunit makakabyahe na ang mga tricycle at pedicab simula Abril 20 dahil sila ang labis na naapektuhan sa implementasyon ng ECQ mula Marso 30.

Ngunit tatlong katao lamang ang maisakay ng tricycle habang tig-isa naman ang pasahero ng pedicab.

Hindi naman pinahihintulutan ang mga public jeepneys at buses na magbyahe.

Maliban dito, magpapatuloy na rin ang construction projects sa lalawigan at ini-engganyo rin ang mga hardware at vehicle parts stores na magbukas.

Depende naman sa mga local government units (LGUs) ang pagpapatupad ng curfew.

Samantala, mananatili naman ang ECQ sa lungsod ng Bacolod hanggang Abril 30.

Ayon kay Bacolod City Mayor Evelio Leonardia, hinihintay pa ang resulta ng laboratory test sa mga swab samples na ipinadala sa lungsod ng Iloilo.