-- Advertisements --
tricycle driver SAP

CENTRAL MINDANAO – Pinuri ni Kabacan, Cotabato Mayor Herlo Guzman Jr. ang isang matapat na traysikel driver na nagsauli ng pera na kanyang napulot sa kalsada.

Ayon sa alkalde na napulot ng traysikel driver na si Primitivo Palasan ang pitakang may lamang pera habang ito ay namamasada.

Kahit hirap din sa buhay si Palasan ay umiral pa rin ang katapatan nito at takot sa Diyos kaya isinuko raw niya sa mga otoridad ang napulot na pitaka na may lamang pera na galing sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Maluha-luhang tinanggap ng may ari ng pera na si Oliver Acosta at taus puso itong nagpapasalamat kay Palasan.

Sinabi ni Acosta na bago lang niya natanggap ang cash assistance mula sa SAP at patungo na sana ito ng palengke para mamili ng pagkain para sa kanyang pamilya.

Laking gulat niya nang madiskubreng nahulog ang kanyang pitaka habang ito ay sakay ng motorsiklo.

Hindi na naisip ni Acosta na maibalik pa ang kanyang pitaka ngunit maswerte pa rin siya dahil may mga tao pa rin na may ginintuang puso para sa kanilang kapwa.

Planong parangalan ni Mayor Guzman Jr. ang traysikel driver at dapat siyang tularan na kahit gipit sa buhay ay hindi ito nag-isip ng masama sa napulot na pera.