LAOAG CITY – Patay ang driver ng isang tricycle matapos banggain umano ng isang Ford Everest sa bahagi ng Escoda Road, Brgy. 3 sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Police Major Eduardo Santos, ang chief of police sa bayan nga San Nicolas, nawalan umano ng preno ang Ford Everest habang binabaybay ang lugar na nagresulta ng pagkabangga nito sa tricycle.
Aniya, matapos banggain ng Ford Everest ang tricycle ay dumausdos pa ito sa kasanud na truck.
Kinumpirma pa ni Santos na ang pasahero ng tricycle ay asawa mismo ng driver kung saan ito ay pitong buwan na buntis.
Dinala ang mag-asawa sa isang pribadong ospital sa nasabi ring bayan subalit idineklarang dead on arrival ang lalaki dahil sa mga tinamo niyang sugat sa katawan lalong-lalo na sa kanyang ulo habang ang babae ay under observation pero conscious.
Sa ngayon ay nanatili sa kustodya ng Philippine National Police sa bayan ng San Nicolas ang driver ng Ford Everest habang inihahanda na rin ang isasampang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide laban sa kanya.