-- Advertisements --

NAGA CITY- Patay ang isang tricycle driver matapos na makuryente sa Mercedes, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Randy Rey Reyes, 34-anyos, residente ng Purok 4, Barangay 3 sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, nabatid na nagdesisyon ang biktima kasama ang iba pang driver na manghuli ng isda sa may swampy area malapit sa terminal.

Ito’y sa pamamagitan ng electric fishing gamit ang wire na direktang nakasaksak sa live outlet.

Ngunit, sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na aksidenteng nahawakan ni Reyes ang dulong parte ng nasabing wire habang nasa tubig na naging dahilan ng kanyang pagkakakuryente.

Kaugnay nito, agad naman na dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, patuloy pa naman ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.