-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Hinangaan ang isang 45-anyos na tricycle driver matapos nitong isinauli ang bag na naiwan ng kanyang pasahero na may lamang pera na nagkakahalaga ng P400,000 na nakatakda sanang ipamigay bilang 13th month pay sa mga empleyado ng isang construction company.

Kinilala ang honest driver na si German Nilo Nalangan, residente ng Barangay Bulwang, Numancia, Aklan.

Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Nalangan na bumaba umano ang dalawang pasahero na isang babae at isang lalaki sa construction site ng ginagawang malaking pribadong ospital sa Barangay Andagao, Kalibo at naiwan ang dala nilang bag na gawa sa tela.

Ilang pasahero pa aniya ang sumakay at bumaba bago nito napansin ang bag sa gilid ng unahang bahagi ng upuan ng kanyang tricycle.

Hindi umano nito binuksan ang bag at binalikan ang construction site kung saan bumaba ang nagmamay-ari nito.

Laking pasasalamat ng may-ari ng bag at binigyan nito ang matapat na driver ng P1,000 at dinagdagan pa ng P4,000 sa pagharap nila sa Kalibo Municipal Police Station.

Ikinatuwa naman ng driver ang natanggap na halaga dahil may pambili na umano itong pang-noche buena sa kanyang pamilya.