-- Advertisements --

NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos na magsalpukan ang isang tricycle at truck sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Camambugan, Daet, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Felipe Gutierrez, 39-anyos, residente ng Brgy Calintaan, Talisay, sa nasabing probinsiya.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), napag-alaman na habang binabaybay ng driver ng truck na kinilalang si Hermenegildo Noleal, 42-anyos ang nasabing kalsada nang bigla na lamang mawalan ng preno ang behikulo nito.

Sa inisyal na imbestigasyon, iniwasan aniya ni Nolel ang mga nakaparadang sasakyan sa may kanang bahagi ng kalsada at nakabig nito ang manibela pakaliwa kung kaya natahak nito ang kabilang linya ng kalsada na nagresulta sa pagkakasalpok nito sa tricycle na minamaneho ni Gutierrez.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon.