-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Natagpuan na ng mga kasapi ng Cordon Police Station ang nawawalang tricycle ng pinatay na tricycle driver Osmeña, Cordon, Isabela.

Ang biktima ay si Roberto Dela Cruz, 55-anyos at residente ng Plaridel, Santiago City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Cordon Police Station, sinabi niya na sa pakikipagtulungan ng ibang mga himpilan ng pulisya ay natunton nila ang tricycle ng biktima sa Maddela, Quirino.

Batay sa Maddela Police Station, narekober ang abandonadong tricycle sa Divisoria Maddela Quirino na kanila namang nakumpirma na pag-aari ni Dela Cruz.

Sa mga nakuha nilang impormasyon, July 18 nang may marinig ang mga residente na may babae at lalaking nag-aaway na lulan ng tricycle.

Iniwan din ang tricycle sa lugar at sumakay sa isang motorsiklo.

Sa ngayon ay nangangalap pa sila ng mga karagdagang ebidensiya partikular ang mga kuha ng CCTV camera upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga pinaghihinalaan.

May ilang CCTV footage na silang nakuha subalit kailangan itong isailalim sa enhancement upang makilala ang pinaghihinalaan na unang sumakay sa tricycle ng biktima.

Matatandaang natagpuang wala ng buhay at may mga saksak sa katawan ang biktima na hinihinalang nahold-up dahil nawala ang lahat ng gamit nito maging ang minamaneho niyang tricycle.

Patuloy na sumisigaw ng hustisya ang pamilya ni Dela Cruz upang mahuli at mapanagot ang mga pinaghihinalaan.