Inirereklamo ng grupo ng mga trike operator at driver ang labis na pagtaas ng mga motor taxi sa Central Luzon at Calabarzon nang hindi man lang dumadaan sa public consultation.
Dahil dito, umaapela ang grupong National Confederation of Tricycle Operators (NPTC) sa pamahalaan na pigilan ang labis na expansion ng mga motor taxi sa maraming bahagi ng bansa dahil sa sobrang naaapektuhan ang operasyon ng mga tricycle.
Ayon kay NPTC Chair Ariel Lim, nagulat sila sa biglaang paglobo ng mga unit sa mga kakalsadahan. Aniya, bawat motor taxi company sa Region 3 ay mayroon nang tig-2,500 unit.
Sa Region 4-A naman ay aabot ng hanggang 8,000.
Ayon kay Lim, lumipat ng area of operation ang mga motor taxi operator dahil sa unang petisyon na inihain sa Metro Manila na pumipigil sa paglaki ng mga ito.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng NPTC at National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines na hindi sila kontra sa operasyon ng mga motor taxi; bagkus ay nais lamang nilang mapigilan ang labis na paglobo ng mga ito, dahilan kung bakit limitado na ang kinikita ng mga tricycle driver.