Ang makasaysayang pagpupulong nina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., US President Joe Biden, at Japanese Prime Minister Fumio Kishida ay isang malakas na mensahe sa international community para magsama-sama sa pagkilala sa rules-based order.
Ito ang pahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez bago ang pagpupulong ng tatlong lider sa Washington nitong Miyerkoles (oras sa Amerika) upang lalo pang patatagin ang samahan ng tatlong bansa.
Umaasa si Speaker Romualdez na ang lumalawak na suporta ng international community sa panawagan na sumunod sa rules-based order at pagpapanatili ng kalayaan sa paglalayag ay makatutulong sa pagpapahupa ng tensyon, partikular sa West Philippine Sea.
Ayon sa house leader ang pagpapahupa ng tensyon sa WPS ay mahalaga para sa maraming ordinaryong Pilipinong mangingisda na ang ikinabubuhay ay nakasalalay sa sitwasyon sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Binigyan-diin ni speaker na ang kahalagahan ng naturang lugar na dinaraanan ng komersyo na umaabot sa $5 trilyon ang halaga, at bumubuo sa 60 porsyento ng maritime trade at mahigit 22 porsyento ng kabuuang pangangalakal sa mundo.
Naniniwala si Speaker Romualdez na lalo pang darami ang mga bansa na sumusuporta sa pagsunod sa rules-based order at patunay umano rito ang paglahok ng mg bansa sa 2024 Balikatan exercises.
Muli ring inulit ni Speaker Romualdez ang pagsuporta ng Kamara sa mga inisyatiba ni Pangulong Marcos upang mapangalagaan ang soberanya at integridad ng teritoryo ng bansa na naglalayong bigyan ng magandang kinabukasan ang mga Pilipino.