Nagsimula na ang trilateral meeting nina Pang. Ferdinand Marcos Jr., US Pres. Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa White House sa Washington, DC.
Sa kanyang opening statement, sinabi ni PBBM na makasaysayang ang nabanggit summit dahil ito ay bunga ng ilang preparatory engagements sa pagitan ng foreign ministers, national security advisers, at vice ministers, kasama ang mga naunang trilateral maritime exercises at joint development cooperation.
Ayon sa Pangulo ang pagharap sa mga kumplikadong hamon ng ating panahon ay nangangailangan ng magkakatuwang na hakbang mula sa bawat isa, kabilang ang dedikasyon sa isang pangkalahatang layunin, at matatag na commitment sa rules-based international order.
Ipinunto pa ng pangulo na habang nabibigyang-lalim ng pagpupulong ang mga ugnayan at pinalalakas ang koordinasyon sa pagitan ng tatlong bansa, sinusubukan aniyang tukuyin ang mga paraan upang mapalago pa ang ekonomiya ng mga ito at gawing mas matatag, protektahan ang mga lungsod at nasasakupan mula sa epekto ng klima, panatilihin ang pag-unlad, at isulong ang mapayapang mundo para sa susunod na henerasyon.
Samantala, nagkasundo sina Pangulong Marcos, Biden at Kishida na palakasin pa ang trilateral alliance, kasabay ng pangakong pangangalagaan ang Indo-Pacific region upang tiyakin ang mas magandang kinabukasan para sa lahat.