Inaasahan na umano ni Sen. Antonio Trillanes IV ang paninisi ng Pangulong Rodrigo Duterte sa oposisyon dahil sa mga problemang kinakaharap nito, maging sa problema sa China, mga pinasok na kontrata at paglaganap lalo ng iligal na droga.
Ayon kay Trillanes, dapat tumutok ang Pangulo sa pagresolba ng problema at hindi sa paghahanap ng pagbubuntunan ng sisi.
Una rito, sinabi ni Presidente Duterte na hindi kailangan ang pag-review sa mga kontra ng Pilipinas dahil wala namang nakikitang rason para gawin ito.
Ang paghimok na gawin ang pagrepaso sa mga kontrata ay nanggaling sa pinuno ng oposisyon sa Senado na si Sen. Franklin Drilon.
Banta tuloy ng Pangulo, kung patuloy daw na sasagarin ang pasensya niya ay posibleng suspendehin na lamang ang “writ of habeas corpus.”
Giit ni Trillanes, lumang ugali na ito ng presidente at hindi na lubhang nakapagtataka.
“…Kahit bumula pa bibig mo sa galit, babalik at babalik yang issue na yan sa mukha mo,” wika ni Trillanes.
Naniniwala ang mambabatas na ganito ang paraan ng chief executive para iwasan ang tunay na isyu.
Inungkat pa ng mambabatas ang mga pinalutang dati ni Pangulong Duterte ukol sa kaniyang umano’y “offshore accounts” noong panahong may malalaking isyu laban sa administrasyon, pero kalaunan daw ay inamin ng presidente na imbento lang ang mga inilabas na bank information.
Kaugnay nito, asahan na raw ang pabago-bago pang pahayag ng pangulo sa mga darating na araw.